Inirekomenda ng House Committee on Dangerous Drugs na kasuhan ang mga pulis na sangkot sa pagkakasabat ng 990 kilos ng iligal na droga sa Tondo, sa Maynila noong Oktubre 2022 na nagkakahalga ng P6.7 billion.
Sa mahigit 30-pahinang report na inilabas ng komite na pinamumunuan ni Surigao del Norte 2nd District Robert Ace Barbers ay pangunahing pinapasampahan ng kasong kriminal si dating Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr.
Pinapakasuhan din ng komite ang Philippine National Police Drug Enforcement Unit – Special Operations Unit dahil sa umano’y pagtatanim ng mga ibidensya at tangkang pagtakpan ang pag-aresto kay Mayo.
Pinapasampahan naman ng grave misconduct, at graft and corruption sina Police Brig. Gen. Narciso Domingo, Police Col. Julian Olonan, Police Lt. Col. Arnulfo Ibanez at Police Major Michael Angelo Salmingo dahil sa umano’y pagpapalaya kay Mayo.
Kasama rin sa rekomendasyon ng komite ang pagpapalakas sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Section 21 ukol sa pagsira ng mga nasasabat na droga.
Nakapaloob din sa committee report ang pagbuo ng special drug courts, pagtatayo ng mas “secured” na mga pasilidad, mandatory na paggamit ng body-worn cameras ng mga operatiba sa lahat ng anti-drug operations at ang pagbuo ng national anti-illegal drug coordination body.