Mga pulis na sangkot sa pagkamatay ng 3 kabataan sa Sultan Kudarat, sinampahan ng reklamo sa DOJ

Naghain ng mga reklamo ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa walong pulis na sangkot sa pagkamatay ng tatlong kabataan sa Lambayong, Sultan Kudarat.

Kaugnay ito ng naging enkuwentro noong Disyembre kung saan tatlong kabataan na sakay ng motorsiklo ang pinagbabaril ng mga pulis.

Reklamong murder, falsification of public documents at pagtatanim ng ebidensiya ang inihain ng NBI sa Department of Justice (DOJ).


Kabilang sa mga sinampahan ng reklamo ang mga tauhan ng Lambayong police at ang kanilang hepe noon na si Police Major Jenahmeel Toñacao.

Kasamang dumating sa DOJ ang kaanak ng tatlong kabataan na una nang inakusahan ng mga pulis na nakipaglaban daw at nakuhanan ng droga.

Iginiit naman ng mga kaanak ng mga biktima na hindi nanlaban ang mga kabataan at sa halip ay pinatay sila ng malapitan.

Una nang sinuspinde ng Sultan Kudarat Police ang ilan sa mga tauhan ng Lambayong police bunga ng naturang insidente.

Facebook Comments