Caloocan City – Sinampahan na ng kaso sa Office of the Ombudsman ang mga pulis na sangkot sa pagpatay sa Grade 11 student na si Kian delos Santos.
Pinangunahan ni Integrated Bar of the Philippines Head for National Center for Legal Aid (NCLA) Atty. June Ambrocio ang paghahain ng kaso kasama ang mga abogado ng tatlong testigo sa pagpatay sa menor de edad.
Kasong kriminal at administratibo ang inihain sa Ombudsman ng mga IBP lawyers laban kina dating Northern Police District Chief Police CSupt. Roberto Fajardo, PSSupt. Chito Bersaluna, PCInsp. Amor Cerillo, PO1 Jerwin Cruz, PO3 Arnel Oares, at PO1 Jeremias Pereda.
Nais ng IBP na papanagutin at maparusahan ang mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Kian.
Kaugnay dito, ilang senador at civil society groups na ang naunang nanawagan sa Ombudsman na magsagawa ng imbestigasyon sa pagpatay sa estudyante.
Wala ng tiwala ang grupo sa DOJ dahil sa kawalan ng kredibilidad at mga bias statements ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na isolated case lamang ang pagkakapatay kay Kian.