Mga pulis na sinasabing nakapatay sa mga sundalo sa Sulu, humarap sa NBI

Humarap kanina sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga pulis na sangkot sa pamamaril sa Jolo, Sulu na ikinamatay ng ilang Army Intelligence Officers.

Ang siyam na pulis ay nagtungo sa NBI Main Office sa Maynila matapos silang padalhan ng subpoena.

Naging mahigpit naman ang seguridad sa loob at labas ng NBI kung saan nag-deploy sa lugar ng mga pulis at SWAT Team.


Una nang sinabi ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra na nakapagsumite na ang mga field agent ng NBI ng kanilang inisyal na report kung saan nakasaad ang mga pahayag ng mga testigo, forensic findings ng medico-legal at ballistic experts.

Ayon naman kay NBI Deputy Director for Regional Operations Antonio Pagatpat, hindi bababa sa sampu ang mga testigo na nakuhanan nila ng testimonya.

Agad din aniya silang maglalabas ng rekomendasyon oras na matapos ang imbestigasyon.

Masusi rin aniya nilang inevaluate ang mga nakalap nilang pahayag at ebidensya.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag sa media ang mga pulis na respondents.

Kabilang sa mga napatay sa tinaguriang Jolo encounter sina Major Marvin Indammog, Captain Irwin Managuelod, Sergeant Jaime Velasco, at Corporal Abdal Asula, na pawang mula sa 9th Intelligence Service Unit ng 11th Infantry Division.

Facebook Comments