Mga pulis na umano’y sangkot sa unlawful arrest at pag-detain sa 4 na Chinese nationals, ipina-cite in contempt at pina-detain sa Kamara

Ipina-cite in contempt ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo ang mga police officer na isinasangkot sa umano’y unlawful arrest, arbitrary detention at robbery sa apat na Chinese nationals sa Parañaque City noong Setyembre 2023.

Sa tingin ni Tulfo ay nagsisinungaling umano ang naturang mga pulis kaya isinulong ang pag-contempt sa kanila sa pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety na pinamumunuan ni Sta. Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez.

Bunsod nito ay ide-detain ng 15 araw sa kostudiya ng Kamara ang nabanggit na mga pulis.


Dismayado si Tulfo sa pagtanggi ng mga pulis ng kanilang pagkasangkot sa insidente kahit may mga iprinisintang mga video footage at resulta ng imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP).

Tinukoy rin ni Tulfo ang report ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., sa komite na 44 tauhan ng Southern Police District-Detective and Special Operations Unit at Parañaque City Police ang sangkot umano sa operasyon.

Kabuuang 34 na pulis naman ang inirekomendang isailalim sa summary dismissal proceedings habang siyam ang hindi sinampahan ng mga kasong administratibo dahil sa kawalan ng probable cause.

Facebook Comments