Manila, Philippines – Kinumpirma ni Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo na Pinagalitan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Pulis Bacolod na sinibak nito sa posisyon kamakailan.
Nakaharap kasi kahapon sa Malacañang ni Pangulong Duterte sina Police Senior Superintendent Francisco Ebreo, Chief of Police ng Bacolod City, Police Superintendent Richie Yatar, Police Superintendent Nasruddin Tayuan at Police Senior Inspector Victor Paulino at Police Senior Superintendent Allan Macapagal.
Ayon kay Panelo, sinabon at kinastigo ni Pangulong Duterte ang mga pulis at hindi naitago ng Pangulo ang kanyang pagkadismaya.
Tinanong aniya ni Pangulong Duterte ang mga pulis kung bakit hindi alam ng mga ito na mayroong mga sangkot sa operasyon ng iligal na droga sa kanilang nasasakupan.
Binigyang diin din naman ni Panelo na babala ito sa lahat ng pulis na hindi kukunsintihin ni Pangulong Duterte ang anomang kapalpakan lalo na kung ito ay may kaugnayan sa iligal na droga.