Mga pulis, papayagang makauwi sa kanilang mga lalawigan ngayong Pasko

Inutos ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Dionardo Carlos sa PNP Directorate for Personnel na ayusin ang plano para sa pagpapauwi sa mga pulis sa kani-kanilang mga lalawigan ngayong Pasko.

Ang direktiba ay binigay ng PNP chief kasabay ng kanyang pangunguna sa tradisyunal na Christmas Tree Lighting Ceremony sa Camp Crame kagabi.

Aniya, nais niyang mabigyan ng pagkakataon ang mga pulis na makapiling ang kani-kanilang mga pamilya ngayong Pasko sa gitna ng lahat ng kanilang sakripisyo sa nakalipas na taon dahil sa pandemya.


Sinabi ng PNP chief na nagawa na ito noong panahon ni former PNP chief at ngayo’y senador na si Ronald “Bato” dela Rosa.

Maaari aniyang pahintulutan na pansamantalang mag-report sa mga himpilan ng pulisya sa kani-kanilang mga probinsya ang mga pulis upang magampanan pa rin ang kanilang tungkulin habang malapit sa kanilang mga mahal sa buhay.

Facebook Comments