Bawal mag-golf tuwing weekdays ang lahat ng mga pulis.
Isa ito sa mga utos ng bagong NCRPO acting director Police Brigadier General Debold Sinas.
Ayon kay Sinas, ito ay bahagi ng striktong pagpapatupad ng disiplina sa NCRPO sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Ang pahayag ay ginawa ni Sinas sa kanyang mensahe sa isinagawang turnover ceremony ngayong umaga sa NCRPO headquarters sa Camp Bagong Diwa Taguig na pinangunahan ni PNP OIC Police Lieutenant General Archie Gamboa.
Kasabay nito sinabi ni Sinas na striktong ipagbabawal din ang pagpasok ng mga pulis sa mga pasugalan at inuman maliban kung may legitimong operasyon.
Siniguro pa ni Sinas na walang tatanggaping “illegal money” mula sa droga, sugal o mga negosyante ang mga opisyal at tauhan ng NCRPO.
Maliban dito, sinabi ni Sinas na itutuloy din niya ang mga programang sinimulan ng kanyang pinalitan na si Police Major General Guillermo Eleazar, upang mapanatili ang pagiging magandang ehemplo ang NCRPO na hinirang bilang Best Police Regional Office for 2019.