Nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa mga tauhan nito na palaging dalhin ang kanilang Close Contact Diary para sa contact tracing activities sakaling may magpositibo sa kanila sa COVID-19.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration at Concurrent Commander ng Administrative Support para sa COVID-19 Task Force (ASCOTF) Lieutenant General Guillermo Eleazar, ang close contact diary ay epektibo sa pagtukoy at pagkilala sa mga nagpositibo sa COVID-19.
Ang Close Contact Diary ng PNP Personnel ay naglalaman ng pangalan ng mga taong nakasalamuha nila sa isang partikular na petsa, oras at lugar.
Maaaring gamitin ng mga pulis ang kanilang notebook bilang kanilang diary o kanilang smartphones o tablets.
Batay sa polisiya ng PNP, ang police personnel ay sasailalim sa swab testing at makakatanggap ng text message ng resulta ng RT-PCR, at ipapadala rin ito sa Administrative Officer ng unit kung saan nakatalaga ang PNP personnel.
Kapag nagpositibo ito sa COVID-19, ang Administrative Officer ng bawat police unit ay inaasahang ire-review ang diary ng COVID positive personnel para malaman ang mga taong nagkaroon ng contact sa kanya simula sa araw na pinagsususpetyahan siya na mayroong virus.
Ang mga PNP personnel na nagkaroon ng close contact sa nagpositibo ay ipatatawag at papayuhang magtungo sa kanilang Health Service Units para sa assessment o quarantine measures.