Muling ipinaalala ng Philippine National Police (PNP) ang pagiging non-partisan at apolitical ng mga pulis sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito’y kasunod ng pagsisimula ng Certificate of Candidacy (COC) filing kahapon para sa kauna-unahang BARMM Parliamentary Election sa May 2025.
Ayon kay PNP Public Information Officer (PIO) Chief Brigadier General Jean Fajardo, mahigit sa isang libong mga pulis mula sa nabanggit na rehiyon ang naka-deploy sa iba’t ibang Commission on Elections (COMELEC) offices.
Ipinag-utos din sa mga pulis na maging alerto at mapagmatiyag.
Umaasa rin ang Pambansang Pulisya na sa tulong ng mga kandidato ay mapapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa BARMM.
Sa ngayon, wala pang namo-monitor na banta sa seguridad ang PNP sa paghahain ng COC sa naturang rehiyon.