Mga pulis sa Caraga Region, inatasan na maging alerto laban sa mga rebeldeng NPA

Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar ang kanilang mga tauhan sa Caraga Region na maging alerto laban sa rebeldeng grupo na New People’s Army (NPA).

Ito’y matapos na makatanggap ng impormasyon ang Caraga PNP hinggil sa plano ng CPP-NPA na magsagawa ng mga pag-atake partikular sa mga tauhan ng pulisya kahit pa nasa loob ito ng kanilang tahanan.

Ayon kay Eleazar, bukod sa Caraga Region, kaniya ring inalerto ang unit ng PNP sa buong bansa hinggil sa naturang plano ng mga rebelde.


Sinabi pa ng opisyal na ang ganitong uri ng impormasyon na kanilang natatanggap ay hindi dapat balewalain lalo na’t ang kaligtasan at kabuhayan ng mga inosenteng sibilyan sa mga komunidad ang maaapektuhan.

Dahil dito, hinihikayat ng opisyal ang publiko na agad ipag-bigay alam sa kanilang tanggapan ang anumang impormasyon sa presensya ng mga teroristang rebeldeng sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng E-sumbong upang mapigilan ang kanilang mga plano.

Aniya, kinakailangan na magtulungan ang pulisya at publiko laban sa CPP-NPA kung saan huwag pairalin ang takot, pananahimik at pagsasa-walang bahala ng mga impormasyon dahil nakasalalay rito ang kaligtasan ng lahat.

Sa huli, sinabi ni Eleazar na ang mga ganitong uri ng pagbabanta at planong pagsalakay ng mga rebelde ay nagpapakita na mahina na ang kanilang puwersa at gusto lamang palabasin na malakas pa ang kanilang grupo pero ang katotohanan ay malapit na ang kanilang katapusan.

Facebook Comments