Pinatitiyak ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na alam o well-informed ang mga pulis sa NCR kaugnay sa Alert Level system ng COVID-19 quarantine classifications na ipapatupad sa Metro Manila.
Ayon kay PNP chief, inutos niya sa NCRPO na bago ang September 16, dapat ay nakipag-ugnayan na ang mga NCRPO unit sa mga Local Government Unit (LGU) para matukoy ang quarantine alert sa kanilang areas of responsibility nang sa ganun ay mas maging epektibo ang pagpapatupad ng granular lockdowns.
Giit ni PNP chief na mahalagang mayroong koordinasyon ang mga PNP unit sa mga LGU kaugnay sa bagong guidelines na isang paraan na rin para makatulong sa mga healthcare worker na matagal nang nasa frontline para sa COVID-19 response.
Ilan sa nakapaloob sa bagong guidelines batay na rin sa Alert Level 4 na siyang highest risk classification, bawal ang dine-in, personal services, at mass gatherings.
Ang Authorized Persons Outside Residence (APOR) lang ay ang mga healthcare worker at mga babalik at aalis na Overseas Filipino Workers (OFWs), ibig sabihin maging ang mga government officials na nakatira sa areas na may localized lockdowns ay hindi papayagang lumabas ng bahay.
Umaapela naman si PNP chief ng pakikiisa sa publiko para na rin sa kaligtasan ng lahat.