Mga pulis sa Southern Luzon, inalerto dahil sa Bagyong Mirasol

Inalerto ng liderato ng Pambansang Pulisya ang mga unit ng Philippine National Police (PNP) sa Southern Luzon kaugnay ng banta ng Bagyong Mirasol na posibleng magdulot ng malalakas na pag-ulan, pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang mga lugar.

Iniutos ni acting PNP Chief PLt.Gen. Jose Melencio Nartatez sa mga police commanders sa mga apektadong lugar na makipag-ugnayan sa kani-kanilang local government units at disaster response agencies para sa iisang pagkilos tungo sa kaligtasan ng publiko.

Dagdag pa niya, ang kautusan ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na tiyakin ang kaligtasan ng lahat at makamit ang layunin na zero casualty.

Kasama sa pagtugon ng pulisya ang pag-preposition ng mga tauhan, kagamitan, at mobility assets sa mga high-risk na probinsya upang agad makaresponde kung kinakailangan.

Dagdag pa ni Nartatez na nakahanda rin ang mga contingency measures tulad ng medical teams at relief supplies para sa mga pulis upang masiguro na maipagpapatuloy nila ang kanilang tungkulin nang hindi nalalagay sa panganib ang sarili.

Facebook Comments