Mga pulis sa Victoria, N. Samar, pararangalan ng DILG

Dahil sa kanilang ipinakitang tapang sa pagdepensa sa kanilang posisyon sa pag-atake ng New Peoples Army (NPA), pararangalan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga  opisyales at tauhan ng  police station sa Victoria, Northern Samar .

Kahit labinlima lamang ang mga police officers na naka-duty nang sumalakay ang nasa 50 rebeldeng  NPA, napigilan ang pag-atake dahil nakatulong ang mataas na posisyon ng gusali sa nangyaring sagupaan.

Tatlong NPA ang patay habang isa ang arestado matapos ang bakbakan na nagtagal ng tatlong oras.


Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, dapat maging huwaran ng iba pang police station sa bansa ang ipinakita ng Victoria, Northern Samar dahil sa kabila ng kulang sila sa bilang ay hindi sila nakubkob ng mga rebelde.

Inatasan ng DILG chief ang Philippine National Police (PNP) na gawaran ng medalya ng katapangan ang mga pulis.

Ani Año, ito ay isang desperadong hakbang ng NPA para  maghasik ng takot sa puwersa ng gobyerno.

Gayunman, hindi magpapasindak ang gobyerno sa halip ay mas magiging agresibo pa ito sa pagtapos sa problema sa insurhensiya.

Dahil sa pag-atake, iniutos ni Año sa PNP at militar na magtulungan para sa isang kontra opensiba sa mga Guerilla base  ng NPA bilang parusa sa kanilang inihahasik na karahasan.

Facebook Comments