
Tutulong na rin ang mga pulis sa araw-araw na pag-mo-monitor sa mga palengke na lumalabag sa maximum suggested retail price ng imported na bigas .
Sa katunayan, sumama na ang ilang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa isinagawang inspeksyon ngayong araw ng Department of Agriculture (DA) sa Guadalupe market.
May mga nakita silang price tag na ₱45 sa imported na bigas, mas mataas sa Manufacturer’s Suggested Retail Price (MSRP) na ₱43.
Ayon sa DA, nangako ang PNP na papanagutin ang sinumang mananamantala at lalabag sa kautusan ng kagawaran.
Kakasuhan na ng hoarding at profiteering ang mga mahuhuling hindi sumusunod sa maximum suggested retail price sa imported na bigas.
Sinabi naman ni Agriculture Asec. Genevieve Guevarra, ivi-verify nila kung mismong retailer ang nagtatakda ng mas mataas na presyo o mataas lang ang benta sa kanila ng mga wholesaler.









