Sinimulan na ng Joint Task Force COVID Shield ang paghahanda para sa mahigpit na pagpapatupad ng quarantine rules sa barangay-level.
Ayon kay JTF COVID Shield Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, magtatalaga ng Quarantine Rules Supervisor (QRS) kada barangay na tutulong sa mga barangay tanod sa pagpapatupad ng health procotols tulad ng pagsusuot ng face masks at physical distancing.
Magkakaroon ng police QRS o ang COVID focal persons ng Philippine National Police (PNP) sa higit 42,000 barangay sa bansa para pangasiwaan ang pagpapatupad ng quarantine rules kabilang ang pagbabawal sa mass gatherings.
Layunin aniya nito na ang bawat komunidad sa bansa ay sakop ng kanilang response efforts para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Mahalaga rin ang kooperasyon at koordinasyon sa pagitan ng PNP at ng barangay officials para matiyak na nasusunod ang quarantine rules.
Ang hakbang ng JTF ay kasunod ng mga ulat na nagiging kampante na ang mga tao mula nang luwagan ang quarantine restrictions sa halos buong bansa, kung saan ilan sa mga residente ay hindi na nagsusuot ng face mask kapag lumalabas sila ng kanilang bahay at ang ilan ay nagkukumpulan para sa tsismis at nag-iinuman.