Mga pulitiko na gustong magsabit ng mga campaign materials sa Pista ng Black Nazarene, babantayan

Manila, Philippines – Imo-monitor ng EcoWaste Coalition ang mga politiko na magsasabit pa ng mga tarpaulins o campaign materials na bumabati ng “Happy Fiesta” sa panahon ng Pista ng Itim na Nazareno.

Ayon kay Daniel Alejandre, ang zero waste campaigner ng environmental group, ngayon pa lang marami nang nagsulputang tarpaulins at billboards na may mga pangalan at mukha ng mga politiko sa Quiapo at Liwasang Bonifacio sa Maynila.

Umaasa ang grupo na pakikinggan ng mga pulitiko ang kanilang panawagan at ititigil na ang premature campaigning.


Sa halip ituon na lamang aniya ang kanilang atensyon sa okasyon ng Poong Nazareno.

Una nang hinimok ng EcoWaste Coalition at Commission on Elections o Comelec ang mga political aspirants na igalang ang kabanalan ng Traslacion at iwasan ang paglalagay ng mga banners at posters gayundin ang pamamahagi ng mga leaflets at iba pang campaign materials.

Puwede naman aniya silang mamahagi na lamang ng mga pagkain at tubig sa mga deboto at pag-deploy ng kanilang volunteers sa ruta ng prosisyon para tumulong sa paglilinis ng kalat na basura.
Ngayong umaga, makakasama ng EcoWaste Coalition ang mga taong simbahan at community groups at magsasagawa sila ng event sa harap ng Quiapo Church upang suportahan ang trash-less Traslacion.

Facebook Comments