Pinadidistansya ni Atty. Vitaliano Aguirre, ang bagong Vice Chairman ng National Police Commission (NAPOLCOM), ang mga pulitiko sa appointment ng mga chief of police at mga provincial directors.
Isa ito sa mga rekomendasyon na kaniyang tinanggap sa pakikipag-usap sa mga dating secretary ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at chief Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Aguirre, dapat mailayo sa political pressure ang PNP.
Aniya, isa sa mga batas na gusto niyang maalis ay ang nagtatakda ang PNP na dapat magsumite sa mga mayors at governors ng tatlong pangalan upang pagpiliang maging chief of police at provincial director.
Kaya naman walang ginawa ang mga pulis kundi sumipsip sa mga pulitiko para sila ang piliin.
Sisikapin aniya ng NAPOLCOM na kung kaya nilang gawin na maibasura ito gamit ang kanilang kapangyarihan ay gagawin nila.
Pero kung kailangan ng batas ay makikipag-usap sila sa mga congressman at senador para maibasura ang mga batas na hindi pabor sa PNP.
Si Aguirre ang nagsilbing panauhin sa 30th PNP Foundation Day sa Camp Crame kanina.