Mga PUVs, pinalalagyan ng rampa at iba pang safety accessories para sa mga PWDs

Inaprubahan sa House Special Committee on Persons with Disabilities ang consolidated bills kaugnay sa pagpapabuti ng accessibility at mobility ng mga Persons with Disabilities (PWDs).

Sa ilalim ng inaprubahang “PWD-friendly and Safe Transportation Act” ay layon nitong iangat ang transportation system para sa mga PWDs at mabigyan sila ng ligtas na pagbyahe.

Inaatasan ng panukala ang lahat ng mga Public Utility Vehicles (PUVs) operators at owners na i-upgrade ang kanilang PUVs para maserbisyuhan ang lahat ng PWDs.


Pinalalagyan ang lahat ng mga PUVs ng boarding ramps o lifts, espasyo para sa wheelchair at iba pang safety accessories tulad ng seatbelts, clamps at grab bars.

Maliban sa pagpapagaan at ligtas na transportasyon sa mga PWDs, pinagtibay rin ang mga panukala kaugnay sa accessibility ng mga PWDs sa mga opisina at gusali gayundin sa mga parking spaces.

Iginiit dito ni Negros Occidental Rep. Ma. Lourdes Arroyo, Chaiperson ng komite, na dapat unahin ang safety at protection ng mga PWDs lalo pa’t madalas na napapabayaan at nadi-discriminate ang nasabing sektor.

Facebook Comments