MGA PWD NA NANGANGAILANGAN NG ASSISTIVE DEVICE, HINIHIKAYAT NA MAGTUNGO SA PDAO

Cauayan City, Isabela- Inaanyayahan ng Persons with Disability Affairs Office o PDAO dito sa Lungsod ng Cauayan ang mga may kapansanan na nangangailangan ng assistive device na sumangguni lamang sa kanilang tanggapan.

Kabilang sa mga ibinibigay na assistive device ay wheelchair, tungkod, saklay, artificial leg, leg brace at iba pang kakailanganing device.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Jonathan Galutera, OIC ng PDAO, kailangan lamang aniya na magtungo o makipag ugnayan sa kanilang tanggapan para maasikaso at maproseso ang request na tulong.

Dalhin lamang ang mga hinihinging requirements tulad ng isang kopya ng whole body picture, Certification of Indigency, at personal letter na naka-address kay City Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr.

Libre aniya itong ibinibigay ng City Government sa mga nangangailangang Cauayeño kung saan umabot na sa 50 porsyento ang kanilang natulungan at karamihan sa mga nabigyan ay mga senior citizen na PWD mula sa Barangay District 1 na nakakuha ng wheelchair at tungkod.

Sapat naman ang kanilang ibinibigay na assistive device sa mga nangangailangang PWD.

Kaugnay nito, nagsasagawa na rin ng assessment sa mga barangay sa pangunguna ng PDAO para matukoy ang iba pang Cauayeño na nangangailangan din ng auxilliary services.

Mensahe nito sa iba pang PWD na hindi kayang magtungo sa mismong opisina ng PDAO na sumangguni na lamang sa barangay at magpatulong para magawan ng request at mabigyan din ng kinakailangang device.

Facebook Comments