Manila, Philippines – Hinikayat ng Mababang Kapulungan ang mga private employers na ikunsidera sa kanilang mga workforce ang mga Persons with Disabilities.
Inoobliga ni Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na mapabilang sa kanilang employment quotas ang mga PWDs.
Dahil dito ay naghain si Sy-Alvarado ng House Bill 2396 na nagaamyenda sa Magna Carta for Disabled Persons kung saan nakasaad na nakapaloob sa polisiya ng bansa na protektahan ang karapatan ng mga Pilipino anuman ang edad, estado, at abilidad kasama na dito ang pagbibigay ng oportunidad na makapagtrabaho.
Nakapaloob din sa kasalukuyang batas na 5% sa kabuuang bilang ng mga empleyado ay ang paghire sa mga qualified PWDs sa trabaho at iba’t ibang departamento ngunit ito ay limitado lamang sa mga pampublikong ahensya.
Batay sa panukala ay sakop na rin ang mga private companies na dapat tumupad sa 5% inclusion na tatanggapin sa trabaho.
Layon ng panukala na mabigyang pagkakataon ang mga PWDs na may kakayahan sa pagtatrabaho tulad ng isang normal na indibidwal at mabigyan ng maayos na pamumuhay ang mga pamilya nito.
Mahigpit na nakasaad sa panukala na hindi dapat ipagkait sa mga may kapansanan ang pagkakaroon ng oportunidad sa trabaho at ibibigay din ang nararapat na kompensasyon, benepisyo, allowances at iba pang pribilehiyo tulad sa karaniwang empleyado.
Nation