Mga raliyista na magsasagawa ng mga kilos- protesta sa SONA ng Pangulo, kailangang kumuha ng permit

May mga ipatutupad na mga polisiya ang Quezon City Police District (QCPD) para sa mga magpoprotesta sa araw ng ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito’y sa harap na rin ng umiiral na community quarantine.

Ayon kay QCPD Director Major General Ronnie Montejo, kinakailangan kumuha ng permit to rally ang sinumang grupo bago sila payagang magsagawa ng mga kilos -protesta sa lungsod.


Magpapatawag ng dialogue ang Quezon City Police District sa mga grupong magsasagawa ng kilos- protesta.

At dahil mataas pa rin ang banta ng COVID-19, papayagan ng QCPD ang mga raliyista sa loob lamang ng bisinidad ng University of the Philippines (UP) para sa kanilang programa.

Bubuksan kasi ng QCPD sa mga motorista ang magkabilang lane ng Commonwealth Avenue para hindi maabala ang publiko.

Samantala, hihintayin pa ng QCPD ang direktiba mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) kung ano ang magiging alert status ng mga pulis.

Pero sabi ni Montejo, may kabuuang siyam na libong (9,000) mga pulis ang ipapakalat nila sa bisinidad ng Batasang Pambansa at mga lugar na pagdarausan ng mga kilos- protesta para magbigay ng seguridad.

Facebook Comments