Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na ang mga rebeldeng komunista ay naapektuhan na ng “mass insanity”.
Ayon kay Pangulong Duterte – patunay na palpak ang kanilang rebelyon dahil umabot na sa 50 taon ang kanilang pakikibaka.
Aminado ang Pangulo na nananatiling banta ang Communist Party of the Philippines (CPP) pero handa naman niyang resolbahin ang problema.
Aniya, handa niyang tanggapin ang mga susukong rebelde at bibigyan niya ang mga ito ng kabuhayan at housing aid.
Pero inatasan niya ang pwersa ng gobyerno na ubusin ang mga armadong rebelde na patuloy na lalaban.
Binanggit din niya na ang China at Russia ay inabandona na ang communism.
Matatandaang kinansela ng Pangulo ang peace talks sa pagitan ng gobyerno at komunistang grupo nitong 2017.
Nagsagawa rin ng backchannel talks para subukang buhayin ang formal negotiation subalit hindi ito ipinagpatuloy para bigyang daan ang pag-review ng lahat ng nilagdaang kasunduan sa rebeldeng grupo.