
Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na ang terorismo at mga komunista ang numero uno sa listahan ng mga banta sa seguridad ng bansa.
Ito ang pahayag ng Pangulo sa gitna ng mga panawagang ibasura ang Anti-Terrorism Bill dahil sa mga kontrobersyal na probisyon nito na maaaring abusuhin at malabag ang karapatang pantao.
Sa kanyang public address, mananatiling prayoridad ang paglaban sa terorismo at mga komunista dahil hindi ito mahihinto kahit sa panahon ng pandemya.
Iginiit ni Pangulong Duterte na kailangang may gawin siya para matapos na ang matagal at nag-ugat nang problema ng bansa.
Ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa mga sundalo na ‘upakan’ na ang mga kalaban.
Binanggit din ni Pangulong Duterte ang palaging paggiit ng Communist Party of the Philippines (CPP) ng Geneva Convention kapag ang New People’s Army (NPA) ay tino-torture ang mga law enforcers na naghahatid lamang ng tulong.
Umapela ang Pangulo sa mga rebeldeng komunista na huwag saktan ang mga unipormadong tauhan ng pamahalaan na sinasamahan ang mga field officers ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng ikalawang tranche ng Social Amelioration Program (SAP).









