Mga reclamation project na mula sa China, pinare-reject ng isang senador sa pamahalaan

Hinimok ni Senator Risa Hontiveros si Pangulong Bongbong Marcos na i-reject na rin ang lahat ng reclamation project na pinondohan ng mga kumpanyang pag-aari ng China.

Nagpahayag si Hontiveros na suportado niya ang suspension order ni PBBM sa mga reclamation projects sa Manila Bay pero dapat ay hindi na rin aprubahan ng pangulo ang anumang China-funded na reclamation projects.

Tinukoy ni Hontiveros ang kwestyunableng Chinese company na bahagi ng reclamation projects tulad ng China Communications Construction Co. (CCCC) na noo’y sangkot sa pagsira sa ating marine ecosystem sa West Philippine Sea.


Giit ng senadora, hindi na dapat tayo nakikipagsapalaran sa mga ganitong uri ng kumpanya.

Kinalampag din ni Hontiveros ang mga kasamahan sa Senado na itakda na ang pagdinig sa inihain niyang Senate Resolution 300 o ang pag-iimbestiga sa mga napaulat na kaduda-dudang large-scale land reclamation projects sa buong bansa kasama na rito ang sa Manila Bay.

Punto pa ng mambabatas, mahalagang maimbestigahan ng Senado ang mga reclamation projects dahil maaari itong makadagdag sa problema natin sa baha, maaapektuhan din ang ating food security at makasisira rin ito sa ating marine habitats gaya ng bakawan, seagrasses, at coral ecosystem.

Facebook Comments