Mga rehistradong online seller, maaaring makapag-avail ng benepisyo mula sa pamahalaan

Mabibigyan ng government benefits ang mga online seller na nakarehistro sa Bureau of Internal Revenue (BIR) tulad ng loans at subsidies.

Ito ang iginiit ng Department of Finance (DOF) matapos maglabas ng direktiba ang BIR kung saan nire-require na ang mga online seller na magparehistro at ideklara ang kanilang mga nakaraang transaksyon.

Ayon kay Finance Assistant Secretary Antonio Lambino II, ang nagpapatuloy na Small Business Wage Subsidy (SBWS) program ay nakatulong sa tatlong milyong manggagawa na mayroong employer na compliant sa BIR at sa Social Security System (SSS).


Dagdag pa ni Lambino, ang Department of Trade and Industry (DTI) ay nag-aalok ng mababang interes sa mga enterprise.

Hindi na aniya bago ang polisya dahil ang inilabas na BIR memorandum ay paalala sa online businesses na magparehistro.

Ang mga online business na kumikita ng mababa sa ₱250,000 kada taon ay exempted sa pagbabayad ng income tax.

Facebook Comments