Nadagdagan pa ang mga rehiyon sa bansa na nakakaranas ng Dry Spell dahil sa epekto ng El Niño phenomenon.
Sa interview ng RMN Manila, inihayag ni Task Force El Niño Spokesperson Asec. Joey Villarama na tinaman na rin ngayon ng Dry Spell ang Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Mimaropa at Ilocos.
Sa ilalim ng Dry Spell, nakakaranas ang mga lugar na tinamaan nito ng kawalan ng ulan ng 21 hanggang 60 percent mula sa normal na pag-ulan sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan.
Ayon kay Villarama, karamihan sa mga naapektuhan ay mga palayan at maisan kung saan aabot sa 357.4 million pesos na ang halaga ng napinsalang pananim.
Samantala, inaayos na ang pagdedeklara naman ng State of Calamity sa Bayan ng Looc sa Occidental Mindoro.
Ito ay matapos na pumalo na sa mahigit siyam na milyong piso na ang halaga ng pinsala sa pananim na palay dahil sa matinding epekto ng El Niño.
Sa interview ng RMN Manila kay Looc, Occidental Mindoro Mayor Marlon Dela Torre, Enero pa ng magsimulang matuyo ang kanilang mga palayan dahil sa kawalan ng supply ng tubig.
Una nang tiniyak ng Task Force na tuloy-tuloy ang pagtulong ng national government upang maibsan ang matinding epekto ng El Niño Phenomenon.