Mga rehiyong hindi naapektuhan ng bagyo, hinimok ng DA na magpadala ng aning gulay sa Luzon; mga hindi tatalima sa price freeze, binalaan

COURTESY Jacob Maentz

Naglabas ng kautusan ang Department of Agriculture (DA) sa mga rehiyon sa Visayas at Mindanao na magpadala ng kanilang aning gulay sa Luzon.

Ito ay bilang tugon sa maliit na suplay at pagtaas ng presyo ng ilang mga pangunahing bilihin sa Luzon bunsod ng sunod-sunod na pagtama ng bagyo.

Sa interview ng RMN-Manila, sinabi ni DA Spokesperson at Asec. Noel Reyes na handa ang ahensya na sagutin ang gastos ng mga produkto ng farmers cooperative sa pagpapadala ng gulay sa Kamaynilaan.


“Iko-consolidate ng isang farmers’ group ang kanilang mga at dadalhin dito. Tutulong po ang DA Regional Office mayroon po kaming mga sasakyan o kung hindi naman pati LGUs dalhin dito sa Kamaynilaan o Urban Centers ang kanilang mga produkto diretso sa konsumer para mas mura ang bilihin at the same time mas maganda po ang kita ng ating mga magsasaka at mangingisda.” ani Reyes.

Nagbabala naman ito sa mga negosyanteng hindi susunod sa price freeze.

Samantala, bukod sa pagtama ng mga bagyo, ipinaliwanag ni Reyes na hindi panahon ngayon ng anihan kaya nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng gulay.

Nagbabala naman ito sa ilang negosyante na sundin ang price freeze ngayong nasa ilalim na ng State of Calamity ang Luzon.

“Iyan ay nasa batas. Kaya naman kailangan ipatupad iyan ng ating local price coordinating councils at LGU sa pakikipagtulungan ng DA at DTI.” dagdag pa ni Reyes.

Facebook Comments