Maaari ng makuha ng mga re-instated 4Ps beneficiaries ang retroactive payment para sa kanilang educational grants.
Ito ay matapos na maihulog na sa mga bank accounts ng reinstated household beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang pondo nitong Miyerkules, August 14.
Ayon kay 4Ps National Program Manager and Director Gemma Gabuya, nakapaloob sa nasabing retroactive payments ang kabuuang halaga para sa 10-month education grants para sa taong 2023.
Ito ay matatanggap ng mahigit sa 650,000 4Ps household beneficiaries na muling naibalik sa programa.
Nilinaw ng 4Ps National Program Manager ang delayed health grants at rice subsidies ng mga reinstated households ay naibigay na simula December 2023 hanggang June 2024.
Ayon pa kay Director Gabuya ang panibagong batch para naman sa 120,000 reinstated 4Ps households ay nakatakdang ibigay sa August 17.
Sa ilalim ng 4Ps program, ang health at nutrition grant para sa bawat household beneficiary ay ₱750 kada buwan at karagdagang ₱600 para sa rice subsidy kada buwan, habang sa education grant para sa mga batang estudyante ay makatatanggap ng ₱300 bawat bata na nagaaral sa elementary. Ito ay matatanggap sa loob ng sampung buwan; ₱500 para sa junior high school; at ₱700 para naman sa mga senior high school.
Ang reinstatement ng mahigit sa 700,000 households beneficiaries ay resulta ng Social Welfare and Development Indicators o SWDI assessment makaraang makatanggap ang ahensiya ng mga requests para sa reconsideration.