Manila, Philippines – Unti-unti nang nababawasan ang mga reklamo kaugnay sa End of Contract o ENDO.
Base sa tala ng DOLE, mula July 2016 hanggang June 25, 2017 umabot sa halos 100-libong tanong at reklamo ang natanggap ng ahensya.
Karamihan dito ay mga paglabag sa general labor standards kabilang hindi tamang pagbibigay ng night shift differential, overtime at holiday pay; 13th month pay; pagpaparehistro ng mga establisyimento; paglabag sa minimum wage at kawalan ng due process sa pagsibak sa empleyado.
Ayon kay Department of Labor and Employment Usec. Dominador Say — bukod kasi sa 1-4-3-9 hotline, nakatulong din ang regular na inspeksyon sa mga kumpanya.
Giit naman ng Kilusang Mayo Uno (KMU), hindi totoong bumaba na ang mga reklamo kaugnay sa ENDO.
Sabi ni KMU Secretary General Jerome Adonis – bukod sa pinapayagan pa rin ng DOLE department order 174 ang kontraktwalisasyon, may ilang kumpanya pa rin ang hindi nagre-regular sa kanilang mga empleyado.
Paliwanag naman ng DOLE, iba ang ENDO sa kontraktwalisasyon kung saan may legal na uri pa rin nito sa mga negosyong project-based.
Kaya para tuluyang mawala ang kontraktwalisasyon, dapat na amyendahan muna ng kongreso ang batas hinggil dito.