Malaki ang itinaas ng reklamong natatanggap ng Department of Trade and Industry (DTI) mula sa mga consumer kaugnay sa kanilang online transactions.
Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, dumagsa ang online complaints sa unang limang buwan ng taon kumpara sa kaparehas na panahon noong 2019.
Sa datos ng DTI, nasa 9,044 online complaints ang naitala ng kanilang Fair Trade Enforcement Bureau mula Enero hanggang Mayo kumpara sa 2,457 noong nakaraang taon.
Lumago rin ang online buying at selling sa loob ng lockdown period mula March 17 hanggang May 31 kung saan marami sa mga tao ay nananatili sa kanilang mga bahay at sarado ang ilang establisyimento kabilang ang mga mall at restaurant.
Lumabas din sa datos na mula Abril hanggang Mayo, sumipa ang online complaints na aabot sa 8,059 mula sa 985 noong Enero Hanggang Marso.
Karamihan sa reklamo ay overpricing, depektibo ang produkto, at hindi magandang customer service.
Gayumpaman, ang mga reklamo laban sa dalawa sa sikat na online shopping platforms na Shopee at Lazada ay bumaba ng 40.99%, pero ang mga reklamo mula sa online transactions sa Facebook at iba pang platforms ay tumaas ng 62.16%.
Samantala, plano ng DTI na bumuo ng registry sa lahat ng online sellers o businesses para sa consumer protection.