
Naglabas ng bagong direktiba ang Bureau of Customs (BOC) na layong pabilisin at mas maging maayos ang serbisyo ng ahensiya.
Kaugnay nito, inatasan ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang lahat ng tanggapan at pantalan nila na iprayoridad ang mabilis na aksyon at pagresolba sa mga reklamo na ipinadadala sa Public Information and Assistance Division o PIAD.
Alinsunod na rin ito sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa Republic Act No. 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.
Layon ng kautusan na masiguro ang mabilis na pagtugon, tamang pag-uulat, at maayos na koordinasyon upang mapanatili ang transparency at accountability sa serbisyo ng BOC.
Ayon kay Nepomuceno, ang maagap na pagtugon sa feedback ng publiko ay mahalaga upang mapabuti pa ang tiwala sa ahensya at mapabilis ang proseso ng kanilang pagseserbisyo.









