Umakyat na sa 50,000 ang mga natatanggap na reklamo ng Energy Regulatory Commission (ERC) hinggil sa mataas na singil ng Manila Electric Company (Meralco).
Ayon kay ERC Chairperson Atty. Agnes Devanadera, 80 percent dito ay dahil sa mataas na singil habang mayroon ding ilan na nakapagbayad na pero hindi pumasok sa kanilang billing.
Una nang lumabas sa pagdinig sa Kongreso na may pagkakamali ang Meralco sa computation ng mga bill dahil nagsama-sama na ang estimated at actual billing.
Sinabi ni Meralco Spokesperson Joe Zaldariaga, sinisikap na ng Meralco na maibalik ang refund sa kanilang mga customer na nakapagbayad na ng buo ng estimated bill mula Marso hanggang Mayo.
Sa katunayan, nagdagdag na sila ng tao para busisiin ang bawat bill at makuwenta ang refund.
Samantala, pinagpapaliwanag na rin ng ERC ang iba pang power distribution utilities sa iba pang bahagi ng bansa kaugnay ng patuloy na paniningil ng mga ito sa mga items na una nang ipinagbawal ng pamahalaan.