Inamin ni Vice President Leni Robredo na tila “déjà vu” para sa kanya ang pakikinig sa kampo ni United States President Donald Trump na natatalo na sa US Presidential Elections.
Nabatid na naging mahigpit ang karera sa ilang US States na siyang nagpanalo kay President-elect, Democrat Joe Biden.
Sa isang panayam, sinabi ni Robredo na may ilang ini-interview sa kampo ni Trump kung saan sinasabi na gabi pa lamang ay panalo na sila pero pagdating ng kinaumagahan ay natatalo na sila.
Aniya, para narinig na nila ang mga ganitong reklamo dati.
Ang tinutukoy ni Robredo ay ang mahigpit na laban niya sa 2016 Vice Presidential Race laban kay dating Senator Bongbong Marcos Jr.
Matatandaang nangunguna na sa botohan si Marcos nang maungusan siya ni Robredo.
Kasalukuyang dinidinig ang electoral protest ni Marcos laban kay Robredo sa ilalim ng Korte Suprema na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET).