Naglatag ng mga rekomendasyon ang NDRRMC ng mga dapat agarang ipatupad ng pamahalaan sa gitna ng mga nararanasang paglindol sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa ginanap na cabinet meeting kagabi sa Malakanyang, tinalakay ni NDRRMC Chairperson, Undersecretary Ricardo Jalad ang naging pinsala ng mga nagdaang pagyanig, kasama na ang mga naitalang casualties at mga ginawang aksyon ng gobyerno.
Kabilang sa mga naging rekomendasyon ay ang pagpapatuloy ng relief operations, paghusayin ang kalidad ng mga pasilidad na ginagamit bilang evacuation centers, at pagtatayo ng temporary shelters para sa mga residenteng nawasak ang mga tirahan dahil sa lindol.
Inirekomenda rin ang papapatayo na ng permanenteng pabahay, at ang pangangailangang makumpuni agad o makapagpatayo ng mga nasirang mga eskwelahan.
Kasama rin sa rekomendasyon ang pagbibigay ng pangkabuhayan at training assistance sa mga pamilyang tinamaan ng kalamidad, pagkakaloob ng loan assistance o pautang at pagsasagawa ng tinatawag na post disaster needs assessment.