
Inilatag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga reporma ng pamahalaan sa pampublikong transportasyon para sa mga manggagawang komyuter, kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day.
Ayon kay Pangulong Marcos, batid niya ang dinaranas ng mga manggagawa mula sa pagko-commute hanggang sa trabaho kaya naman nais niyang pagaanin ito sa pamamagitan ng episyenteng transportasyon.
Kabilang sa mga reporma ay ang pinalawig na oras ng operasyon ng Metro Rail Transit (MRT-3) tuwing weekdays, mas mahusay na air-conditioning system at pasilidad sa mga linya ng tren.
Nagdagdag na rin aniya ng mga tren sa Light Rail Transit-2 (LRT-2) mula 6 hanggang 10 set, at isinaayos ang mga elevator at escalator sa lahat ng istasyon.
Para naman sa pangmatagalang proyekto, sinabi ng pangulo na tinatapos na ng pamahalaan ang MRT-7, habang sinimulan na rin ang North-South Commuter Railway, Metro Manila Subway, at EDSA Busway Improvement Project na layong pabilisin ang pang-araw-araw na biyahe ng mga pasahero.









