Mga residente at tenants na apektado ng sole internet service provider, pinaghahain ng reklamo sa PCC

Pinayuhan ni Makati City Rep. Luis Campos ang mga residente o tenant ng mga subdivision at condominium na apektado ng exclusive deals ng mga developer sa pagkuha ng iisang internet service provider (ISP) na maghain ng reklamo sa Philippine Competition Commission (PCC).

Partikular na pinagsasampa ng reklamo ang mga residente sa enforcement office ng PCC lalo’t malinaw sa batas na ipinagbabawal ang “in-house ISP” o pagkuha ng sole o iisang service provider dahil pinipigilan dito ang pagpasok ng ibang kompetisyon.

Tinukoy pa ng kongresista na ang pagkuha ng mga property developer ng exclusive transactions sa ISP ay nangangahulugan din ng hindi patas na “business practices” dahil hinahadlangan nito ang kalayaan ng mga consumer na makapamili ng nais na serbisyo.


Ibinabala pa ng mambabatas sa mga pasaway na developers na itigil ang ganitong gawain dahil kung hindi ay nagbabadya ang P100 million administrative fines sa oras na sila’y mapatunayang nagkasala salig na rin sa Philippine Competition Law.

Inihalimbawa pa ng kongresista ang nangyari noong 2019 sa isang mass housing developer na napatunayang nagkaroon ng “abuse of dominance” matapos na magpatupad ng “single ISP” sa siyam na proyekto nito sa bansa at napilitang magbayad ng multa na aabot sa P27.11 million.

Facebook Comments