Manila, Philippines – Nagsipaglabasan ang ilang mga residente na nakatira malapit sa ilog ng Marikina para bantayan ang galaw ng ilog.
Ayon kay Arnel Capistrano, natrauma na sila sa mga nagdaang mga bagyo lalo na noong bagyong Ondoy at Yolanda kung saan lumubog ang kanilang bahay.
Alerto naman ang mga tauhan ng Marikina City Disaster Management Office dahil malapit na sa 1st alarm ang water level ng Marikina river na nasa 14.9 meters ang level nito kung saan 15 meters ang 1st alarm.
Ayon kay PIO Officer II Lou Navarro, sa sandaling umakyat sa 15 meters ang water level ng ilog ng Marikina ay itataas na sa 1st alarm at patutunugin na ang sirena, hudyat na kailangan nang maghanda ng mga residente sa palibot ng ilog sa posibleng evacuation.
Kapag umabot naman sa 16 meters, kailangan ng kusang magsilikas ang mga apektadong pamilya.
Habang ipatutupad naman ang forced evacuation kapag ang level ng tubig ay umabot na sa 18 meters o 3rd alarm.
Sa oras na ito, ay nakabantay sa ilog ang mga residente at tinitingnan nila bawat patak ng ulan sa ilog dahil nagkaroon na ng trauma ang mga nakatira rito kapag umuulan.
Tiniyak naman ng Marikina Rescue 161 na walang dapat ikabahala ang mga residente na malapit sa ilog dahil nakahanda ang kanilang mga rubber boat para sila agad na mailikas sakaling tumaas ang ilog.