Thursday, February 5, 2026

Mga residente malapit sa walong river basin sa mga dadaanan ng Bagyong Basyang, inalerto ng PAGASA

Inalerto ng PAGASA Weather Bureau ang mga residenteng nakatira malapit sa walong river basin sa bahagi ng Mindanao at Visayas dahil sa inaasahang mataas na volume ng ulan na dala ng Bagyong Basyang.

Ito ay bunsod ng inaasahang malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan na maaaring magdulot ng pagbaha sa mga susunod na oras.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni PAGASA Administrator Dr. Nathaniel Servando na nakataas ang general flood advisory sa mga lugar na sakop ng Agusan River, Davao River Basin, Cagayan de Oro River Basin, Tagum–Libuganon River, Agus River, at Tagoloan River Basin.

Tinatayang magdadala ang bagyo ng 150 hanggang 200 millimeters ng ulan, na maaaring magdulot ng biglaang pagtaas ng tubig sa mga ilog.

Patuloy na lumalapit sa kalupaan ang bagyo at direktang maaapektuhan ang iba’t ibang bahagi ng Mindanao, partikular ang hilagang bahagi, gayundin ang ilang lugar sa Visayas.

Ayon kay Servando, patuloy ring tumataas ang risk impact sa mga susunod na oras, lalo’t inaasahang magla-landfall ang bagyo mamayang gabi, sa pagitan ng alas-nueve ng gabi hanggang alas-dose ng hatinggabi, sa bahagi ng Surigao del Sur. Mayroon ding mga posibleng landfall areas sa Visayas at maging sa Palawan.

Nagbabala rin si Servando sa posibleng malalakas na hangin na maaaring makapinsala sa mga bahay at magpabagsak ng mga puno.

Pinayuhan ang mga residenteng nasa coastal communities na mag-ingat laban sa storm surge at maalong karagatan, at pansamantalang iwasan ang paglalayag.

Hinimok din ang publiko na manatiling alerto, agad sumunod sa mga utos ng lokal na pamahalaan, at maghanda ng emergency kits.

Tiniyak naman ng PAGASA na mahigpit ang kanilang koordinasyon sa mga LGU at national government upang maihatid sa publiko ang tama at napapanahong impormasyon kaugnay ng bagyo at mga kaukulang babala.

Facebook Comments