Nagsimula nang bumalik sa kanilang mga tahanan ang mga pamilyang evacuees sa Barangay Bagong Silangan sa Quezon City.
Ito’y matapos irekomenda na ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office ang pagpapauwi sa mga ito matapos matiyak na ligtas nang balikan ang kanilang bahay at humupa na ang tubig baha.
Ayon kay Joy Angel, Social Welfare Officer ng QC Social Services Development Department, limang evacuation centers ang ginamit sa nasabing barangay para magpalipas ng magdamag ang abot sa 211 pamilya o katumbas ng 643 katao.
Lumikas ang mga ito matapos tumaas ang tubig sa Marikina River at inabot ang kanilang kabahayan na nasa mga low-lying area.
Kabilang ang mga lugar na ito ang Isla Pulang Bato, Mount Carmelville, Tagumpay Extension, New Greenland, Jubilee Phase 6, Bona at Tumana area.