Mga residente na nakatira sa gilid ng ilog ng Marikina, naghahanda na pumunta sa evacuation center

Marikina City – Naghahanda na ang mga residenteng nakatira sa gilid ng ilog partikular ang mga taga BarangayTañong, Tumana, Malanday at Barangay San Roque sa Marikina City upang magtungo sa mga evacuation centers, kung umakyat sa kritikal level ang tubig ng naturang ilog, bunsod ng walang tigil na pag-ulan dala ng bagyong Gorio.

Ayon kay Jobert Año, naghahanda umano siya sakaling tumaas ang tubig dahil mas maganda aniya na ang handa.

Ayon naman kay Bong Delos Santos, kagabi pa umano ay tuloy tuloy ang ulan, hinakot na nila ang mga gamit na nasa Barangay Tumana.


Base sa monitoring ng Marikina City Disaster Risk Reduction Management Office as of 11 am, nasa 14.4 na ang level ng tubig, na halos malapit na sa 15 meters o 1st alarm.

Kaugnay nito, nagpahayag naman ng kahandaan ang pamunuan ng Marikina partikular na ang Barangay Tumana na labis na napipinsala kapag tumataas na ang tubig sa Marikina river.

Sinabi ni Tumana Barangay Chairman Ziffred Ancheta, nagpatawag siya ng emergency meeting kasama ay kanyang konsehal para i-activate ang bawat committees ng mga kagawad sa lugar nila.

Paliwanag ni Ancheta, sandaling umakyat sa 15 meters ang level ng tubig ay itataas na sa 1st alarm at patutunugin ang sirena, hudyat na kailangan nang maghanda ng mga residente sa palibot ng ilog sa posibleng evacuation.

Kapag umabot naman sa 16 meters, kailangan ng kusang magsilikas ang mga apektadong pamilya ng baha.

Facebook Comments