Mga residente na nasira ang mga bahay dahil sa paghagupit ng Bagyong Rolly, tatanggap ng financial assistance mula sa DHSUD

Inihahanda na ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang financial assistance para sa mga residenteng nawasak ang mga bahay sa Bicol Region at Southern Tagalog dahil sa paghagupit ng Bagyong Rolly.

Ayon kay DHSUD Secretary Eduardo Del Rosario, gagamitin nila ang pondo sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program para pagkalooban ng P5,000 ang mga residenteng bahagyang nasira ang bahay habang P10,000 naman sa mga nawasak.

Sinabi ni Del Rosario na batay sa kanilang datos, tinatayang nasa 79,000 kabahayan ang bahagyang napinsala habang 30,384 ang nawasak.


Pinahahanda na ng kalihim sa National Housing Authority (NHA) at iba pang ahensya ang pinal na listahan ng mga mabibigyan ng tulong pinansyal.

Magde-deploy ang ahensya ng mga team para personal na iabot ang cash assistance.

Matatanggap na ng mga apektadong residente ang cash assistance simula sa Miyerkules sa darating na linggo.

Facebook Comments