Mga residente ng Brgy. Poblacion at alkalde ng Dingalan, Aurora, nagpapasalamat sa tulong na hatid ng RMN Foundation

Todo ang pasalamat ang mga residente ng Brgy. Poblacion sa Dingalan, Aurora sa mga tulong na ipinaabot ng RMN Foundation.

Ang mga residente na ito ay pawang mga nabiktima ng Super Typhoon Karding kung saan nakatanggap sila ng mga relief pack at hygiene kits.

Sa pahayag nina Ann Margareth Concepcion at Gemalyn Quinto na kapwa residente ng Brgy. Poblacion, blessing na maituturing ang hatid ng RMN Foundation dahil sa kasalukuyan nilang sitwasyon matapos na manalasa ang bagyo.


Maging si Dingalan, Aurora Mayor Shierwin Taay ay todo ang pasasalamat sa tulong na hatid ng RMN Foundation at Inner Wheel Clubs of the Philippines dahil malaking bagay ito sa kaniyang mga kababayan para unti-unti silang makaahon sa dinanas na epekto ng bagyo.

Dagdag pa ng alkalde, hanggang sa ngayon ay patuloy ang kanilang mga hakbang upang makarekober ang kanilang bayan sa naging resulta ng pagtama ng Bagyong Karding.

Nagpapasalamat rin si Mayor Taay sa lahat ng nagpapaabot ng tulong kung saan kahit maliit na bagay at malaki na ito para sa kapakanan ng kanilang mamamayan.

Sa iba naman na nais na magpadala ng anumang klase ng tulong, maaaring ipaabot ang mga ito sa RMN Foundation kung saan makipag-ugnayan lamang sa RMN Foundation Facebook page o sa www.foundation.rmn.ph

Katuwang naman ng RMN Foundation sa isinagawang Oplan Tabang ang Metrobank Foundation at GT Foundation kasama ang Inner Wheel Clubs of the Philippines.

Facebook Comments