Sangkaterbang reklamo ang ipinarating ng mga residente ng Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal dahil sa kabagalan ng pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Social Ameliaration Program(SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Dismayado ang mga residente dahil wala rin silang makuhang matinong tugon sa mga tanong nila, dahil mismong mga empleyado na rin ng Barangay ay nagtururuan na rin sa palpak na proseso ng pamimigay ayuda.
Ayon sa mga residente ng Sub-Urban Area 6, may mga mas may kaya sa buhay na naunang nabigyan ng ayuda habang mayroon namang mga mahihirap na wala sa listahan ng SAP.
Ganito rin ang sentimyento ng mga taga Kasiglahan Village at Montalban Heights kung saan mayroon anilang mga menor de edad na kasama sa listahan habang may ilang Senior Citizen na wala nang maasahan sa buhay kundi ang mga ayuda lamang pero hindi kwalipikado.
Dagdag pa nila, iba ang listahan na naka post sa Facebook sa masterlist na hawak ng Barangay.
Dahil sa kawalan na ng sistema, hindi na rin nasusunod ang social distancing dahil nagkumpulan na ang mga tao na mga dismayado dahil ang iba sa kanila pagod sa paglalakad para makapunta sa pila, walang tulog at mga gutom na.
Wala ring tugon si Barangay Chairman Glen Evangelista sa mga reklamo ng kanyang nasasakupan.
Tikom din ang bibig ni Rodriguez Rizal Mayor Dennis Hernandez kaugnay sa gulo na nangyayari sa SAP distribution.