Agad na nagpadala ng kaukulang tulong ang lokal na pamahalaan ng Caloocan sa mga residente nito na lubos na naapektuhan ng Bagyong Egay.
Partikular sa mga pamilya na nakatira sa Brgy. 180, 183, at 185.
Pinangunahan ng City Health Department (CHD) at City Social Welfare and Development Department (CSWDD) ng Caloocan LGU ang pamamahagi ng hot meals at medical assistance sa mga ito.
Bukod dito, pinasisiguro ni Mayor Along Malapitan sa mga opisyal at tauhan ng lokal na pamahalaan na may maayos na matutulugan ang mga apektadong residente at maging komportable sila sa mga evacuation centers.
Ininspeksyon rin ng alkalde ang ibang barangay na binabaha tulad sa Doña Aurora sa Brgy. 177, Phase 6 sa Brgy. 178, gayundin sa Crispulo St. at Quirino Highway sa Brgy. 180.
Kaugnay nito, inatasan ni Mayor Along ang City Engineering Department na magsagawa ng proyekto sa mga nabanggit na lugar upang maibsan ang pagbaha.
Nananatili naman naka-alerto at naka-monitor ang lokal na pamahalaan sa lagay ng panahon kung saan pinapayuhan nila ang lahat ng residente na agad na makipag-ugnayan sa (02) 888-25664 sakaling magkaroon ng sitwasyon ng nangangailangan ng agarang aksyon.