Matapos isailalim muli sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Cebu City dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa siyudad, asahan na ang panibagong ayuda ng gobyerno sa mga taga-Cebu City.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, dahil balik sa dating mahigpit na patakaran ang Cebu City, kasama na ang muling pagpapasara sa mga negosyo at pagpapahinto sa mga trabaho na hindi naman essentials, kailangang matulungan at masuportahan muli ng national government ang mga taga-Cebu City lalo na ang pinakamahihirap na sector.
Matatandaang sa ilalim ng ECQ status, bawal ang pampublikong transportasyon, sarado rin ang mga negosyo na hindi naman maituturing na essentials.
Samantala, mabibiyayaan din ng tulong ang mga taga-Talisay na pasok sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP), mabibiyayaan ng ₱5,000 hanggang ₱8,000 sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act ang low-income families na nakatira sa ECQ.