Patuloy na umaalma ang mga residente ng Katuparan sa Vitas, Tondo hinggil sa pagtatayo ng isang high rise residential building sa kanilang lugar.
Kasabay ng ika-35 taong anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, magsasagawa sana ang mga residente ng Katuparan ng protesta upang ipakita ang kanilang pagtutol sa proyekto ng National Housing Authority (NHA) lalo na’t walang tiyak na relokasyon para sa kanila.
Ngayong araw, isinasagawa ang ground breaking ng tinatawag na Vitas High Rise Building na may 770 residential at 47 commercial unit, podium parking na kasya ang 167 na sasakyan at 200 na motor, multipurpose center at playground.
Pero hindi pinalabas ang mga residente na nagbabalak ng protesta dahil pinagbantaan sila na huhulihin ng mga pulis.
Paliwanag pa ng Alyansa ng mga Residente ng Katuparan (ARK), aabot sa 500 na pamilya ang maapektuhan ng programa dahil bukod sa condominium ay may gagawin din umanong cockpit arena na siyang ikinadidismaya ng mga residente.
Giit nila, sa panahon ng COVID-19 pandemic ay walang dapat na mangyaring demolisyon at hindi lahat sa kanila ay kasama sa programa at mabibigyan ng pabahay.
Inaasahan naman na itutuloy ng mga residente ang kanilang protesta anumang oras ngayong araw, bilang pagkondena pa rin sa nasabing proyekto.