Mga residente ng Maynila na nakatanggap ng kulang-kulang na laman ng food packs, hinimok ni Mayor Isko Moreno na idaan sa social media ang reklamo

Hinimok ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga residente sa lungsod ng maynila na idaan sa social media kung may concern o reklamo hinggil sa food packs na ibinigay ng mga opisyal ng barangay.

Ang panawagan ni Yorme ay kasunod ng natanggap niyang reklamo na binawasan ng ilang opisyal ng barangay ang laman ng mga food packs na nagmula sa Lokal na Pamahalaan.

Ayon kay Mayor Isko, agad na isumbong sa pamamagitan ng social media kapag kulang o bawas ang naibigay na food packs upang managot ang may kasalanan.


Ang hakbang din ito ay upang hindi na magtungo pa sa barangay o city hall ang mga residente upang masunod ang mga patakaran sa ipinapairal na Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Nabatid na ang mga laman ng mga food packs ay tatlong kilong bigas, dalawang sardinas, pasta at spaghetti sauce.

Kaugnay nito, pinaiimbestigahan na din ng alkalde ang dalawang barangay officials na unang inireklamo ng ilang residente na binabawasan ang mga laman ng food packs dahil paliwanag nila na pinagkakasya umano ito para mabigyan ang lahat.

Pero iginiit ni Mayor Isko na hindi maaaring gawin ng mga opisyal ng barangay ang pagbabawas ng laman ng mga foods packs dahil sapat ang bilang ng mga ito sa mga residente base na din sa ipinasa nilang listahan.

Facebook Comments