Payatas – Nababahala ngayon ang mga residente ng Payatas sa Quezon City sakaling tuluyan nang maisara ang Payatas Sanitary Landfill.
Ayon kay Ricardo Rodriguez, nangangamba sila sa kinabukasan ng kanilang pamilya sakaling tuluyan ng maisara ang Payatas Sanitary Landfill dahil tanging sa mga basura lamang kinukuha ang kanilang kinakain araw-araw.
Matatandaan na nagpalabas ng kautusan noong July 27 taong kasalukuyan ang Quezon City Environmental Protection and Waste Management Department ng Temporary Closure Order sa naturang Landfill dahil sa walang tigil ng pagbuhos ng ulan kamakailan na lubhang delikado sa mga nakatira sa paligid ng dumpsite.
Una rito kinuwestyon ni Quezon City Administrator Aldrin Cuña ang MMDA kung saan nila itatapon ang mga basura na galing Quezon City dahil kung sa Rodriguez Rizal itatapon ay aabutin ng 3 oras ang biyahe ng trak at kapag sa Navotas naman aabutin umano ng 6 na oras kasama ang pagpila ng mga basura ng trak.
Bukod sa Quezon City Government na nagpasara sa naturang Landfill inirekomenda noon ni dating DENR Secretary Gina Lopez na ipasara ang Payatas Sanitary Landfill dahil malapit ito sa Lamesa Dam na pinanggaling ng inumin ng maraming mga residente sa Metro Manila.
Kaugnay nito nagpupulong ngayon ang pamunuan ng DENR, QC Government, MMDA at mga residente upang maresolba ang naturang problema sa pagtatapon ng basura.