Mga residente ng QC na dumalo sa pista ng Itim na Nazareno, hinikayat ng kanilang LGU na sumailalim sa COVID-19 testing

Hinimok ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mga residente ng lungsod na dumalo sa pista ng Itim na Nazareno sa Maynila na sumailalim sa libreng COVID-19 testing.

Partikular na tinukoy ng lady mayor ang mga residente na may nararamdamang sintomas ng COVID-19.

Base sa ulat may 500,000 devotees ang nagpunta sa Quiapo Church para dumalo sa mga misa at traditional na Traslasyon ng Itim na Nazareno.


Hindi isinasantabi ng syudad ang posibilidad na nagkahawahan ng virus dahil sa dami ng dumalo.

Una na ring hiniling ng alkalde sa Manila Police District (MPD) na bigyan sila ng listahan ng mga taga-Quezon City na pumirma sa health declaration forms para ma-endorso ang mga ito sa kani kanilang barangay para sa monitoring.

Ang mga barangay na rin ang magre-refer sa kanila sa pinakamalapit na testing sites at health centers kung saan isasagawa ang libreng COVID-19 testing.

Facebook Comments